Ang Kaisahan Ni Allah

AT-TAWHID التوحيد

Ang Tawhid (Monotheism) ay nagmula katagang-ugat na Wahhadah وَحَّدَة na sa literal na kahulugan ay ang pagsasang-isahan, gawin ang mga bagay na iisa o pagpapahayag ng kaisahan ng isang bagay. Ito ay ang pagpapatotoo at pagtataguyod ng kaisahan ni Allah ﷻsa lahat ng mga paniniwala at mga galaw ng tao, ukol man o hindi ukol sa Kanya. Ito ay ang ganap na paniniwala sa nag-iisang Diyos, na walang katambal sa Kanyang kapangyarihan at sa Kanyang mga gawain; isa na walang katulad sa Kanyang kakanyahan at katangian; isa na walang kaagaw sa Kanyang pagkadiyos.

Ito ang pinakamahalaga sa mga paniniwala sa Islam at ang mga naniniwala dito ay tinatawag na mga Muwahhidun/Muslimun. Ang lahat ng nasa lupa ay nagmula sa iisang Tagapaglikha lamang na Siya ring tagatustos at ang tanging pinagmulan ng pamamatnubay. Ang paniniwalang ito ay namamahala sa lahat ng aspeto ng buhay. Ito ay nagsasabi sa sangkatauhan na si Allah ﷻay hindi ipinanganak o dili kaya ay may ipinanganak mula sa Kanya.

[Atheism/Kufr/Paganism ay hindi paniniwala sa Diyos; Pantheism/Ittihadiyyah ay paniniwala na ang diyos ay nasa lahat ng bagay.]

Ang Tatlong Bahagi Ng Tawhid

Likas pa ang paniniwala ng mga tao sa panahon ng Propeta ﷺ. Subalit pagkatapos ng kamatayan niya, ang Tawhid ay pinangkat na sa tatlo upang dalisayin ang mga paniniwala ng mga tao nang magsipasok na sila sa Islam mula sa iba’t ibang bansa na may iba’t ibang kaisipan.

Ang mga bahagi ng Tawhid ay dapat na magkakakabit at hindi puwedeng magkahiwa-hiwalay.

  1. Tawhid Ar-Rububiyyah توحيد الربوبية Ang Kaisahan Ng Pagkapanginoon
  2. Tawhid Al-Uluhiyyah/Al-‘Ibadah توحيد الألوهية/ توحيد العبادة Ang Kaisahan Ng Pagkadiyos/Pagsamba
  3. Tawhid Al-Asma Wa As-Sifat توحيد الأسماء والصفات Ang Kaisahan Sa Mga Pangalan At Mga Katangian

TAWHID AR-RUBUBIYYAH توحيد الربوبية  ANG KAISAHAN NG PAGKAPANGINOON

  • Ito ay ang paniniwala sa kaisahan ni Allah ﷻ ng may patungkol sa Kanyang mga gawain. Siya lamang ang Tagalikha, Tagatustos at Tagapangalaga sa lahat ng nilalang.
  • Ito ay paniniwala sa puso, na walang pagsasagawa.
  • Ang Kanyang pagkapanginoon ay ang saligan o dahilan ng paniniwala sa Uluhiyyah. Siya ang lumikha ng mga langit at lupa, ng mga bagay na ating nakikita at di-nakikita, ng buong sangkatauhan… Samakatuwid, nararapat lamang na Siya ay sambahin, purihin at pasalamatan.
  • Ang Kanyang pagiging Panginoon ay malinaw sa karamihan ng tao, ilan lamang sa kanila ang itinatanggi ito. Maraming kumikilala sa Kanya ngunit sumasamba sila sa iba sa halip na sa Kanya. Kahit ang mga naniniwala sa maraming diyos ay naniniwala dito.
  • Dito ibinatay ng mga sugo ang kanilang pag-anyaya na sambahin ang isang Diyos.
  • Sinuman ay hindi matatawag na Muslim maliban kung ang pagkapanginoon ay mag-akay sa kanya na sambahin si Allah ﷻ.
  • Halos lahat ng Kanyang nilalang ay kinikilala siya bilang Panginoon.

Ang Rububiyyah ay nagmula sa katagang RAB na ang ibig sabihin ay PANGINOON.

Si Allah ﷻ lamang ang nagpanatili sa lahat ng mga bagay noong wala pa kahit isa. Pinapangalagaan Niya ang sansinukob, na wala Siyang pangangailangan mula sa mga ito o para sa mga ito. Siya ay hindi lamang Panginoon ng isang tribu o pangkat ng mga tao, bagkus Siya ang tanging tunay na Panginoon ng sansinukob, naniniwala man o hindi sa Kanya, at lahat ng mga nakatira rito ng walang pagbabago sa Kanyang kapangyarihan. Ang lahat maliban sa Kanya ay mga nilikha lamang, mga alipin na walang kabahagi sa Kanya. Ang mga tao ay Kanyang mga nasasakupan. Siya ang kataas-taasan at palaging aktibong Panginoon ng sanlibutan. Siya si Allah, Ang Iisa.

  • “Luwalhati kay Allah, ang Panginoon ng lahat ng mga nilikha.” [Al-Fatihah 1:2]
  • “(Si Musa) ay nagsabi (kay Fir’awn): Ang iyong Panginoon at ang Panginoon ng iyong mga ninuno mula pa sa simula.” [Ash-Shu’ara 26:26]
  • “(Si Musa) ay nagsabi: Ang Panginoon ng silangan at ng kanluran, at ang lahat ng nasa pagitan nila, kung nalalaman mo lang.” [Ash-Shu’ara 26:28]
  • “(Siya) ang Panginoon ng dalawang silangan at ang Panginoon ng dalawang kanluran.” [Ar-Rahman 55:17] [Tafsir: May isang silangan at may isa pang silangan kung saan sumisikat ang init. May isang kanluran at isa pang kanluran kung saan lumulubog ang init.]
  • “Panginoon ng mga langit at ng lupa, at lahat ng nakapagitan sa kanila, ang Panginoon ng bawat tuldok sa pagbukang liwayway (ng araw).” [As-Saffat 37:5]
  • “Ngayon tinatawag ko upang saksihan ng Panginoon ng lahat ng mga tuldok sa silangan at sa kanluran…” [Al Ma’arij 70:40] [Tafsir: Maraming mga silangan at mga kanluran; ang bawat bansa ay may sariling silangan at kanluran; sa parehong oras, ang init ay sisikat sa silangan at lulubog din ito sa kanluran.]

[Halimbawa: Ang init ay siyamnapu’t tatlong milyon milya ang layo sa atin. Ang liwanag nito ay makakarating sa lupa sa loob ng walo at kalahating minutos. Ang init ay nakatalaga sa eksaktong katayuan na itinakda sa kanya ng Panginoon. Kapag ito ay napalapit ng kaunti sa atin, tayo ay masusunog. Kapag ito ay napalayo ng kaunti sa atin, tayo ay maninigas sa lamig.]

TAWHID AL-ULUHIYYAH/AL-‘IBADAH توحيد الألوهية/ توحيد العبادة ANG KAISAHAN NG PAGKADIYOS/PAGSAMBA

  • Ito ay ang paniniwala sa kaisahan ni Allah ﷻng may patungkol sa ating mga gawain. Siya lamang ang karapat-dapat na sambahin ng walang katambal. Lahat ng ating mga gawain kapag isinagawa para lamang sa kasiyahan Niya ay ipinapalagay na mga uri ng pagsamba. Lahat ng nilalang ay may sariling pamamaraan ng pagsamba kay Allah
  • Ito ay paniniwala sa puso, na pinatutunayan ng pagsasagawa.
  • Ang Kanyang pagkadiyos ay ang likas na kahihinatnan at tunay na bunga na paniniwala sa Kanyang pagkapanginoon.
  • Ang Kanyang pagkadiyos ay napakabigat na bagay. Marami ang hindi sumusunod nito. Kahit ang ilan na sumusunod ay nakakagawa ng pagtatambal sa Kanya, sadya man o di-sadya.
  • Ito ang diwa ng mensahe ng lahat ng mga sugo.
  • Ito ang buod ng pananampalatayang Islamiko.
  • Ang mga mananampalataya lamang ang kumikilala sa Kanya bilang Diyos.

Ang Uluhiyyah ay galing sa katagang ILAH na ang ibig sabihin ay DIYOS.

Siya ay isa na sinasamba at sinusunod sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Kanyang mga utos tulad ng Salah, Sawm, Zakah, Hajj, Dua, Dhikr, atbp. Ang lahat ng uri ng pagsamba ay ukol lamang kay Allah ﷻ dahil Siya lamang ang nararapat na sambahin at wala ng iba.

  • “Sabihin mo (O Muhammad): ‘Katotohanan, ang aking mga dasal, ang aking pagpapakasakit, ang aking pagkabuhay at ang aking pagkamatay ay para kay Allah, ang Panginoon ng mundo (sangkatauhan, Jinn at lahat ng mga nananatili). Siya ay walang katambal. At ito ay iniutos sa akin, at ako ang una sa mga yumuyuko sa Kanyang Kalooban.'” [Al-An’am 6:162-163]
  • “Ang pitong mga langit at ang lupa, at lahat ng nilalang na nandito, ay ipinapahayag ang kanilang pagpupuri. Wala kahit isang bagay ngunit ito ay ipinagdiriwang ang Kanyang kaluwalhatian; subalit hindi mo maiintindihan kung papaano nilang ipinapahayag ang Kanyang kapurian…” [Al-Isra’ 17:44]

Ang Kahulugan Ng Pagsamba

Ang Tawhid Al-Uluhiyyah ay ang kaugnayan ng dalawang panig. Ang unang panig ay ang Makapangyarihang Allah at ang pangalawa ay ang mahinang tao na natamo ang kanyang kakayahan at kaalaman mula sa una. Ang kawing sa pagitan ng dalawang panig ay ang pagsamba sa isip, sa salita at sa gawa.

Ang pagsamba ay nangangahulugan ng lahat ng kaibig-ibig na pananalita at mga gawain, lantaran man ito o lihim, na kinalulugdan ni Allah ﷻ.

  • “Walang mensahero na Aming ipinadala bago ikaw ng walang inspirasyon na ipinadala Namin sa kanya: na walang diyos kundi Ako; sa gayon ay sambahin at pagsilbihan ninyo Ako.” [Al-Anbiya’ 21:25]
  • “At sambahin ang iyong Panginoon hanggang sa dumating sa iyo ang katiyakan (kamatayan).” [Al-Hijr 15:99]

Ang Dalawang Uri Ng Pagsamba

  1. Ang Pagsambang Hayagan عمل ظاهرة Amal Dhahirah

Ito ay nakikita at nangangailangan ng paggalaw ng mga bahagi ng katawan.

Halimbawa: mga haligi ng Islam; Umrah; pagbabasa ng banal na Qur’an; Dua (pl. Ad’iyyah); Dhikr (pl. Adh-kar); Wudu; ang pag-aalay ng hayop; ang pag-uutos sa kabutihan at ang pagbabawal sa kasamaan; atbp.

  1. Ang Pagsambang Panloob/Lihim عمل باطنة Amal Batinah

Ito ay hindi nakikita at hindi nangangailangan ng pagkilos o paggalaw ng mga bahagi ng katawan, subalit may kaugnayan sa puso, na nagpapabago sa pamumuhay at pananaw ng tao.

Halimbawa: mga haligi ng Iman; ang paghahanap ng tulong ni Allahﷻ; ang pagtitiwalang ganap sa Kanya; ang pagkatakot sa Kanya; ang pagmamahal sa Kanya; ang panunumpa sa ngalan ni Allah lamang; ang kumpletong pagsuko sa Kanyang mga batas at hatol; ang pasasalamat sa Kanya sa lahat ng katayuan, mabuti man o masama; atbp.

[Dapat itanim sa isipan na ang pagsamba na hindi inialay kay Allah ay hindi tatanggapin. Lahat ng ating mga gawain, gaano man ito pangkaraniwan mula paggising hanggang sa pagtulog natin kapag inialay sa Kanya ay itinuturing na pagsamba.]

TAWHID AL-ASMA WA AS-SIFAT توحيد الأسماء والصفات ANG KAISAHAN SA MGA PANGALAN AT MGA KATANGIAN

Ito ay ang paniniwala sa kaisahan ni Allah ﷻ ng may patungkol sa Kanyang mga banal na pangalan at mga ganap na katangian (na nabanggit sa banal na Qur’an at sa Sunnah) na walang:

  • Ta’til تعطيل pagtatanggi, pagtatatwa, o pagwawalang-bahala sa mga ito
  • Tahrif تحريف pagbibigay ng maling kahulugan sa mga ito
  • Ta’wil تأويل pagbibigay ng maling pagpapaliwanag sa kanilang mga kahulugan sa iba’t ibang paraan
  • Tamthil تمثيل paglalarawan sa hugis o paghahambing. Ito ay halos katulad din ng Tashbih.
  • Tashbih تشبيه pagbibigay ng kahawig o kahalintulad anuman sa Kanyang mga nilalang.
  • Takif تكيف pagtatanong kung papaano

Ang mga artikulo ng Tawhid Al-Asma Wa As-Sifat sa pagkakaunawa ng Ahl-us-Sunnah Wa Al-Jama’ah

  1. Ang malaman ang Kanyang mga pinakamagagandang pangalan at mga pinakaganap na katangian tulad ng Kanyang pagbigay ng pangalan at paglarawan sa Kanyang Sarili o kaya ay yaong ginamit ng Propeta ﷺ.
  2. Ang maintindihan ang kanilang mga kahulugan sa pinakapuspos na kamalayan. Wala Siyang katulad [42:11]; walang Siyang kapantay [112:4]; hindi Siya saklaw ng maramihan [112:1].
  3. Ang maniwala sa lahat ng mga ito ng walang kataliwasan at walang Ta’til, Tahrif, Ta’wil, Tamthil, Tashbih at Takif. Maniwala na Siya ay may mukha; mga mata; mga kamay; mga binti; mga paa; Al-Maji’ المجيء  ang Kanyang pagdating; Al-Istawa الإستواء ang Kanyang pag-akyat sa Kanyang Trono; An-Nuzul النزول ang Kanyang pagbaba; Ad-Dahak الضحك ang Kanyang pagtawa, atbp. Ang lahat ng mga ito ay katotohanan, kung papaano ay walang nakakaalam. Ang paniniwala dito ay kinakailangan at ang pagtatanong tungkol dito ay isang Bid’ah (kabaguhan). [Basahin ang Surah Taha 20:5]
  4. Ang hindi kailanman pagdadagdag ng bagong mga pangalan maliban sa mga nabanggit sa banal na Qur’an at mga pinatunayang mga Ahadith.
  5. Ang hindi pagbibigay sa mga ito ng anumang pagkakahawig alinman sa Kanyang mga nilikha. Huwag magbibigay ng sariling pakahulugan at paglalarawan dahil walang sinumang nakakaalam at hindi maaabot ng ating kaisipan.
  6. Taglay Niya ang mga pinakamagagandang pangalan at kanilang mga kahulugan at mga pinakamararangal na katangian at mga paglalarawan. Ang mga ito ay nababagay o nararapat lamang para Kanya. Huwag Siyang iugnay sa mga katangian ng Kanyang nilikha at huwag iugnay ang mga katangian ng Kanyang nilikha sa Kanya. Ang mga pangalan Niya sa eksaktong balangkas ay hindi puwedeng ipangalan sa Kanyang mga nilikha maliban kung manguna ang unlaping (prefix) ‘Abd (utusan/alipin). [Ang dalawang pinakamagandang pangalan ay Abdullah at Abdurrahman.]
  7. Ang pagtawag sa Kanyang mga pangalan at mga katangian kapag nanalangin. “Ang mga pinakamagagandang pangalan ay para lamang kay Allah; kaya tawagin Siya sa pamamagitan ng mga ito…” [Al-A’raf 7:180] [May dalawa Siyang pangalan na Kanyang pinakagusto.]
Advertisements