Ang Pagsikat Ng Init Sa Kanluran

TULU’ ASH-SHAMS MINAL-MAGHRIB طلوع الشمس من المغرب

Sa kapahintulutan ni Allah ﷻ, ang Shams ay palaging sumisikat mula sa silangan. Sa isang tiyak na araw, ito ay uutusang sisikat mula sa kanluran. Ito ay mangyayari pagkatapos ng isang napakahabang gabi na ang katumbas ay tatlo sa karaniwang mga gabi natin.

Ang mga tao ay matutulog sa mga huling oras ng gabi. Matutuklasan lamang nila ang pagbabagong ito ng kalikasan paggising nila kinabukasan. Ilan sa kanila ay magsasabi: “Masyadong napahaba ang tulog ko.” Sa mga palaging nagsasagawa ng mga dasal sa gabi pagkatapos ng Isha at bago ang Fajr na tinatawag na Qiyam قيام (literal: tatayo) o Tahajjud تحجود (literal: gigising), sila ay magsasabi: “Masyado akong napagod.” Sila lamang ang makakasaksi at makikinabang sa mga huling oras ng pagsisisi. Kaya ito ang magiging huling bagay na isusulat sa kanilang mga talaan.

“Isagawa ang dasal sa paglubog ng araw hanggang sa kadiliman ng gabi; at (ang pagbigkas) ng Qur’an sa bukang liwayway. Katotohanan! Ang (pagbigkas ng) Qur’an sa bukang liwayway ay palaging nasasaksihan.”  [Al-Isra’ 17:78]

Ang Shams ay sisikat lamang sa kanluran ng isang araw, na magiging pangunahing punto ng pagbabago sa sangkatauhan, dahil sa tanging araw na ito lahat ng pintuan ng kapatawaran ay magiging pinid na. Wala ng pagsisising tatanggapin. Kapag nakita ng mga tao ang pagsikat ng Shams sa kanluran ay saka pa lamang sila maniniwala at magsisisi. Ngunit wala ng Tawbah (pagsisisi) o Hasanah (kabutihan) na tatanggapin. Lahat ng talaan ay ititiklop na.

May napakalaking pintuan ng pagsisisi bago ang palatantandaang ito ngunit ang paniniwala ay wala ng kabuluhan. Ang mga taong nakapagsisi at naniwala bago ang pagsikat ng Shams sa kanluran ang makikinabang lamang sa kanilang paniniwala, at iyong mga di-naniniwala ay mananatiling mga Kafir.