Ang Tulay

AS-SIRAT الصـراط

Ang kahulugan ng Sirat ay malawak na landas. Nabanggit na napangalanang ganito dahil ang tunay na kahulugan ng katagang ito ay naglalarawan ng paglamon at ang kataga ay nababagay sa pangalan dahil ito ay lumalamon sa mga dumaraan.

Ito rin ay nangangahulugan ng karaniwang landas tulad ng sabi ng Allah ﷻ: “At katotohanan, ito ang Aking Matuwid na Landas, kaya sundin ninyo ito.” [Al-An’am 6:153] Kaya sinuman ang nananatiling matatag sa landas ng Allah ﷻ sa Kanyang relihiyon sa mundong ito, siya ay mananatiling matatag sa landas sa Kabilang Buhay.

Ito ay ang tulay sa Kabilang Buhay na nakalatag sa ibabaw ng Impiyerno, na nagsisimula sa pook ng pagtitipon at magtatapos sa bukana ng Paraiso.

Isinalaysay ni Abu Sa’id Al-Khudri (Radiyallahu ‘Anhu): “… pagkatapos ang Sirat ay dadalhin at ilalatag sa ibabaw ng Impiyerno. Kami (mga kasamahan ng Propeta  ) ay nagsabi, ‘O Sugo ng Allah! Ano ang tulay?’ Siya ay sumagot, ‘Ito ay madulas na may mga ipit at mga kawit na parang butil na matinik na maluwang sa isang gilid at makitid sa ibang gilid at may mga tinik na bali ang mga dulo nito.” [Sahih Al-Bukhari, Hadith Blg. 7439]

ANG MGA TATAWID, ANG BILIS NG PAGTAWID AT ANG URI NG ILAW

Lahat ay tatawid dito, pangkat sa pangkat ng sunud-sunod. Ang unang tatawid ay si Propeta Muhammad  ﷺ, kasunod ang kanyang bansa. Ang unang pangkat ay walang pagtutuos (70,000) na ang mga mukha ay kasing liwanag ng ganap na buwan. Ang huling maliligtas ay gagapang sa kanyang tiyan.

  • ANG MGA MANANAMPALATAYA (MU’MINUN; PAYAK: MU’MIN)

Sila ay inilarawan ni Allah ﷻ: “Sa araw na iyon ay makikita mo ang mga mananampalatayang mga lalaki at mga mananampalatayang mga babai – ang kanilang mga ilaw ay tatakbo pasulong sa harapan nila at hawak-hawak nila sa kanilang mga kanang kamay…” [Al-Hadid 57:12]

Sila ay mabibigyan ng ilaw. Ang kanilang ilaw ay naaayon sa antas ng kanilang pananampalataya. Ang ilan ay makakakuha ng ilaw na magpapaliwanag sa layong isang milya, ang iba ay higit pa doon, ang iba ay kulang. Ang ilaw ng ilan ay magniningning paminsan-minsan at mamamatay paminsan-minsan. Sila, samakatuwid, ay makakatawid kapag maliwanag, at hihinto kapag madilim.

Ang laki ng ilaw ng ilan ay magiging kasing-laki ng bundok, habang ang iba ay kasing-laki ng punongkahoy ng datiles. Ang mga taong magkakaroon ng pinakamaliit na ilaw ay yaong magliliwanag ang kanilang mga hintuturo paminsan-minsan at mamamatay paminsan-minsan.

Ang paraan ng pagtawid ay naaayon sa antas ng kanilang pananampalataya. Mapapahintulutan silang makatawid ng ligtas. Ang bilis na kanilang pagtawid ay naaayon sa kanilang kabutihan. May mga tatawid na kasing bilis ng kisapmata; ang ilan ay parang kidlat; ang ilan ay parang malakas na hangin; ang ilan ay parang mga matuling kabayo o mga babaing-kamelyo; ang ilan ay parang nakasakay sa kamelyo; ang ilan ay parang ibong lumilipad; ang ilan ay tumatakbo; ang ilan ay naglalakad; ang ilan ay makakatawid ng ligtas na walang pinsala at ang iba ay magkakaroon ng mga galos. Ang pinakahuling makakatawid ay hihilahin siyang patawid. Ang ilan sa kanila ay mahuhulog.

  • ANG MGA DI-MANANAMPALATAYA (KAFIRUN; PAYAK: KAFIR)

Hindi sila makakatawid sa tulay, ni hindi sila makasulong ni makaatras man lamang. Naging bulag sila sa mga palatandaan ni Allah ﷻsa mundong ito kaya magiging bulag din sila sa pagtawid.

“…May mga puso sila na hindi makaintindi, mga mata na hindi makakita, mga tainga na hindi makarinig…” [Al-A’raf 7:179] “Sinuman ang bulag dito (sa mundo) ay magiging bulag sa Kabilang Buhay at karamihan ay nawala na sa landas.” [Al-Isra’ 17:72]

Sila ay hindi mabibigyan ng ilaw. Mahuhulog sila sa Impiyerno dahil sa ganap na kadiliman. Huhulihin sila ng mga tulos at mga kawit at itatapon doon. Ang ilan ay basta na lamang pupulutin at itatapon.

  • ANG MGA MAPAGKUNWARI/IPOKRITO (MUNAFIQUN; PAYAK: MUNAFIQ)

Sila ay ipapalagay (tratratuhin) katulad ng mga mananampalataya dahil nagpanggap silang may paniniwala. Mabibigyan sila ng ilaw ngunit pagdating nila sa Sirat, ang kanilang ilaw ay mamamatay at sila ay mahuhulog sa Impiyerno.

Kapag nasaksihan ito ng mga mananampalataya, sila ay matatakot at mananalangin: “…O Panginoon! Panatilihin Mo ng ganap ang aming mga ilaw para sa amin.” [At-Tahrim 66:8]

Sila ay inilarawan ni Allah ﷻ: “Sa araw na iyon, kapag ang mga mapagkunwari – mga lalaki at mga babae – ay magsasabi sa mga mananampalataya: ‘Hintayin ninyo kami! Pabayaan ninyo kaming makabahagi sa inyong mga ilaw!’ At sasabihin sa kanila; ‘Pumunta kayo sa inyong likuran! Pagkatapos ay hanapin ninyo ang ilaw!” [Al-Hadid 57:13]

Sila ang may pinakamabigat na parusa sa Impiyerno. “Katotohanan, ang mga mapagkunwari (ipokrito) ay mapupunta sa pinakailalim ng apoy; wala kang makikitang tutulong para sa kanila.” [An-Nisa 4:145]

Advertisements