Ikalawang Paghipan: Araw Ng Pagkabuhay

AL-BA’ATH البـعث

Ang buhay pagkatapos ng kamatayan ay bahagi ng ating paniniwala. Sa katotohanan, ang mga tumatanggi dito ay ipinapalagay na di-mananampalataya. Bibigyang muli ni Allah ﷻ ng buhay si anghel Israfil at uutusan Niya itong hipan na muli ang tambuli. Kapag ang tambuli ay muling tutunog, lahat ay muling babalik sa pagkabuhay. Ang mga tao ay lalabas sa kanilang mga libingan.

“At ang tambuli ay tutunog, kung saan ay tingnan mo! Mula sa mga nitso (ng mga tao) ay magmamadali silang patungo sa kanilang Panginoon! Sasabihin nila: ‘Ah, dalamhati sa amin! Sino ang bumangon sa amin sa  aming mga higaan ng pagpapahinga?’ (Ang tinig ay magsasabi): ‘Ito ang ipinangako ng (Allah), Ang Pinakamapagpala, at katotohanan ang mga salita ng mga sugo.'” [Yasin 36:51-52]

“Sa araw na makakarinig sila ng (malakas) na pagsabog na (napaka) totoo: iyan ang Araw ng Pagkabuhay.” [Qaf 50:42]

“Sa araw na kung saan sila ay lalabas sa kanilang mga nitso sa biglang pagmamadali na parang sila ay nagmamadaling makarating sa destinasyong haligi (na ginawa para sa kanila).” [Al-Ma’arij 70:43]

“Kapag ang tambuli ay (huling) hihipan, iyan ang magiging araw, Araw ng Pagdurusa, malayo pa sa madali para sa mga walang pananampalataya.” [Al-Muddaththir 74:8-10]

ANG PAGLABAS MULA SA LUPA

Sila ay lalabas sa kani-kanilang mga libingan na hubu’t hubad, walang sapin ang mga paa at hindi tuli (Aghral اغرال; payak: Ghurlan غرلان). Ang unang lalabas sa libingan ay si Propeta Muhammad  ﷺ na nakasuot ng kulay berde. At ang unang mabibihisan sa araw na ito ay si Ibrahim (‘Alayhis Salam).

Itinala ni Ibn Abi Hatim (Radiyallahu ‘Anhu) mula kay ‘Abbas (Radiyallahu ‘Anhu) na ang Sugo  ﷺ ay nagsabi: “‘Kayong lahat ay ma-iipon na walang sapin sa mga paa, walang mga damit, naglalakad at mga di-tuli.’ Kaya ang kanyang asawa ay nagsabi: ‘O Sugo ng Allah! Titingnan ba namin o makikita ang kahubuan ng bawat isa?’ Ang Sugo ay sumagot: ‘Ang bawat isa sa kanila sa araw na iyon ay magkakaroon ng maraming (mga pangamba) na ipagwalang-bahala niya ang iba.’ O sinabi niya: ‘Siya ay masyadong abala upang tumingin pa sa iba.'” [Al-Hakim 2:251; pareho kay Al-Bukhari Blg. 6162]

Ang bawa’t isa ay iiwas sa kanyang pamilya at siya ay magiging abala sa kanyang sarili.

“Sa araw na iiwas ang lalaki sa kanyang kapatid na lalaki, sa kanyang ina at sa kanyang ama, sa kanyang asawa at sa kanyang mga anak. Ang bawat isa sa kanila, sa araw na iyon, ay sapat ng mabahala (sa kanyang sarili) upang ipagwalang-bahala niya (ang iba).” [‘Abasa 80:34-37]

Ang pagkakamag-anak sa buhay na ito ay pansamantala lamang, ngunit ang pagmamahal sa kabutihan ay habang buhay. Sa Paraiso, ang mga matutuwid ay mapapasama na naman sa kanilang mga minahal, sa kundisyon na sila ay matutuwid din; dahil ang walang hanggan ay walang ibang binibilang. Ang pagkakamag-anak dahil sa dugo at pag-aasawa na lumikha ng tiyak na pisikal na bigkis sa buhay na ito, na maaaring mauwi sa kabutihan at maaaring sa kasamaan din.

Lahat ng materyal at kasamaan ay lilipas. Ngunit ang kabutihan ay babalik ng may bagong kahulugan sa Araw ng Paghuhukom. Sa gayon, ang mga ninuno at mga salinlahi, mga asawa, mga magkakapatid, na ang pagmamahal ay dalisay at banal, ay matatagpuan ang bagong kaligayahan na maging ganap ang kanilang pagmamahal at malalaman nila ang bagong mistikong kahulugan sa luma at pansamantalang pagkakabigkis.

“Mga hardin ng habang buhay na kaligayahan: sila ay papasok doon, at ganoon din sa mga matutuwid mula sa kanilang mga ama, kanilang mga asawa, at kanilang mga anak…” [Ar-Ra’d 13:23]

ANG PAGPAPANAULI NG MGA KATAWAN

Ang lahat ng bahagi ng katawan ay malalansag at maaagnas maliban sa butong kasingliit lamang ng atom na tinatawag na ‘UjbidhDhanab عُجبِ الذَّنَبْ. Ito ay matatagpuan sa loob ng maliit na buto na tinatawag na coccyx na hugis tatsulok na parang buntot sa pinakababa ng gulugod (spinal column).

Sa Araw ng Pagkabuhay, ang sangkatauhan ay parang mga halamang tutubo mula sa butong ito at ang lahat ng mga katawan ay babalik na muli sa dati nilang pagkakalalang katulad noong sila ay isinilang. Tayo ay tatayo tulad ng ating pagkakalikha, ng wala anuman sa mga pag-aaring ating inipon sa buhay na ito, na lahat ay maglalaho.

“At si Allah ay pinatubo kayo mula sa lupa na unti-unting lumalaki (tulad ng halaman), at sa katapusan ay ipapanauli Niya kayo dito, at babangunin Niya kayong muli (sa Araw ng Pagkabuhay).” [Nuh 71:17-18]

“…Ngayon kayo ay napunta sa Amin (hubu’t hubad) tulad ng Aming unang pagkakalikha sa inyo…” [Al-Kahf 18:48]

Si Aus ibn Aus ay nagsalaysay na ang Propeta  ﷺ ay nagsabi: “Ang pinakamaganda sa inyong mga araw ay ang Biyernes. Sa araw na iyan, si Adam ay nilikha at sa araw na iyan siya ay namatay, (sa araw na iyan) ang trumpeta ay hihipan at mga tao ay masisindak! Dagdagan ang inyong mga dasal sa akin dahil ang inyong mga dasal ay maipaparating sa akin.” Ang mga tao ay nagsabi: “O Menshahero ng Allah, papaanong ang aming mga dasal ay maipaparating sa iyo kung ikaw ay patay na?” Siya ay nagsabi: “Si Allah ay pinagbawalan ang lupa sa pagkain ng mga katawan ng mga sugo.” [Bukhari]

ANG PAGSANIB NG MGA KALULUWA

Pagkatapos ay magsasanib ang mga kaluluwa (na pansamantalang naghihintay sa Al-Barzakh) sa kani-kanilang mga katawan. “At kapag ang mga kaluluwa ay sumanib sa kani-kanilang mga katawan (ang mga mabubuti sa mga mabubuti at ang mga masasama sa mga masasama).” [At-Takwir 81:7]

Kapag naging tao na lahat ay magsisimula na ang paghuhukom. Ang pangako ni Allah ﷻay dumating na sa katotohanan at ito ay malaking pagkasindak para sa mga di-mananampalataya. Ang katotohanan na itinanggi nila sa unang buhay ay isa ng walang pag-aalinlangang katotohanan.

Sila ay lalabas sa kanilang mga libingan na magsasabing: “Ang araw na ito ay tiyak na mahirap.” Ang mga mananampalataya ay lalabas sa kanilang mga libingan na magsasabing: “Alhamdulillah! Inalis Niya ang ating paghihirap.”

TAYO AY MAMAMATAY AT MABUBUHAY NA MULI

  1. Ang pagpapanumbalik ng buhay ay mas madali para kay Allah kaysa sa paglikha ng mula sa wala.

“Mula sa lupa ay nilikha ka Namin, at (dito) ikaw ay Aming pababalikin. At mula dito, ikaw ay muli Naming kukunin.” [Taha 20:55]

  1. Ang paglikha sa mga langit at lupa ay mas dakila kaysa sa mga tao.

“Siya ang nagsisimula (sa paglalang) ng sansinukob; pagkatapos ay  uulitin uli, at para sa Kanya ay pinakamadali. Sa Kanya ang mga pinakamataas na paglalarawan (na maiisip natin) sa mga langit at sa lupa; dahil Siya ang pinakadakila sa kapangyarihan, puno ng karunungan.” [Rum 30:27]

  1. Ang tigang na lupa, ang mga buto ay tumutubo mula dito pagkatapos ng ulan.

“At si Allah ay pinatubo kayo mula sa lupa na unti-unting lumalaki (tulad ng halaman), at sa katapusan ay ipapanauli Niya kayo dito, at babangunin Niya kayong muli (sa Araw ng Pagkabuhay).” [Nuh 71:17-18]

“At siya na gumagawa ng paghahambing para sa Amin, at nakalimutan niya ang sarili niyang (pinagmulan) at pagkakalikha. Ang sabi Niya, ‘Sino ang makakapagbigay ng buhay sa (tuyong) mga buto at puro nabulok na?” [Yasin 36:78]

  1. Kung walang pagkabuhay, sa gayon, ang mundong ito ay para lamang isang laruan at walang kahulugan.

“Inisip ba ninyo na Kami ay nilikha kayo sa biro (ng walang layunin), at kayo ay hindi na babalik sa Amin?” [Al-Mu’minun 23:115]

Sinuman ang magtatwa sa muling pagkabuhay ay itinuturing na di-mananampalataya.

“Ang mga di-mananampalataya ay nagsasabing hindi sila kailanman mabubuhay uli. Sabihin mo sa kanila O Muhammad, ‘Oo sa ngalan ng aking Panginoon, kayo ay tiyak na mabubuhay na muli. Pagkatapos ay sasabihin sa inyo ang lahat ng inyong ginawa. At iyan ay madali para kay Allah.'” [At-Taghabun 64:7]


[Ito ay maiigsi lamang ng mga palatandaan sa mga unang oras ng Huling Araw. Ang banal na Qur’an ay puno ng maraming paglalarawan sa natatanging araw na ito upang tayo ay maniwala at mapaalalahanan.]

Advertisements