Unang Paghipan: Ang Hihip Ng Pagkatakot

AN-NUFIKHA FIS SUR النفخ في الصور

Magkakaroon ng malaking kaguluhan sa buong sansinukob. Ang lupa ay lilindol; ang mga bundok ay mapupulbos; ang mga dagat ay magliliyab; ang mga bituin ay mahuhulog; ang buwan at ang araw ay mag-iipon at matatapon palayo at magkakaroon ng kadiliman sa lahat ng dako.

“Kapag ang araw (sa kanyang malawak na ilaw) ay natiklop; kapag ang mga bituin ay nahulog, na nawalan ng ningning; kapag ang mga bundok ay nawala; kapag ang kamelyong babai ay iniwang walang nag-aalaga; kapag ang mga mababangis na hayop ay inipon ng sama-sama; kapag ang mga dagat ay kumulo ng matindi; kapag ang mga kaluluwa ay pinangkat; kapag ang sanggol na babai (na inilibing ng buhay) ay tinanong, kung anong kasalanan siya ay pinatay; kapag ang mga rolyo ng talaan ay ibinuklat; kapag ang langit ay nalansag; kapag ang Impiyerno ay sinindihan sa matinding init; at kapag ang Paraiso ay inilapit, malalaman ng bawat kaluluwa kung ano ang kanyang inihanda.” [At-Takwir 81:1-14]

Lahat ng mga nabubuhay ay maglalagalag na walang patutunguhan, na parang nawawala sila sa kanilang pag-iisip. Ang lalaki na sana ay isusubo ang pagkain niya ay hindi na makakakain; ang dalawang lalaki na nagkakasundo sa isang piraso ng paninda ay hindi matatapos ang kanilang usapan ni itiklop man lamang ito.

“O sangkatauhan! Matakot sa iyong Panginoon! Dahil ang panginginig ng oras (ng paghuhukom) ay magiging nakakapanghilakbot. Sa araw na iyong makikita ito; ang bawat ina na nagpapasuso ay makakalimutan niya ang kanyang sanggol na sumususo, at ang buntis ay mailalaglag niya ang kanyang dinadala (na hindi pa buo). Makikita mo ang sangkatauhan na nagkakagulong parang mga lasing, ngunit hindi naman; subalit nakakapanghilakbot ang poot ng Diyos.” [Al-Hajj 22:1-2]

ITO RIN ANG HIHIP NG PAGSALAKAY AT KAMATAYAN

“At sa araw na ang tambuli ay mag-iingay, ang mga nasa mga langit, at ang mga nasa lupa, ay manghihilakbot sa sindak, maliban sa mga ililigtas ni Allah sa kagustuhan Niya. At lahat ay pupunta sa Kanyang (pagharap) sa mababang pagsuko.” [An-Naml 27:87]

Maliban sa mga sugo at mga martir, lahat ng mga nasa langit at lupa ay masisindak at manghihilakbot. Sila ay mawawalan ng malay.

  • Lahat ng nabubuhay ay sasalakayin at mamamatay, maliban sa walong anghel: Jibril, Mika’il, Israfil, Malak-ul-Mawt at ang apat na tagadala ng trono.
  • Pagkatapos ay uutusan ni Allah ﷻsi Malak-ul-Mawt na kunin ang mga kaluluwa ni Jibril, Mika’il, Israfil at ang apat na tagadala ng trono.
  • Kaya si Allah ﷻat Malak-ul-Mawt lamang ang matitira.
  • Pagkatapos, si Allah ﷻay magsasabi: “O Malak-ul-Mawt, ikaw ay bahagi ng aking paglalang. Ikaw ay aking nilikha sa Aking kagustuhan. Mamatay ka!” Kaya siya ay mamamatay. Ayon sa Hadith, apatnapung taon niyang kukunin ang kanyang sariling kaluluwa.

Walang maiiwan maliban kay Allah ﷻ, Ang Una at Ang Huli, Ang Kataas-taasan!


ANG PAGITAN NG DALAWANG PAGHIPAN AT ANG ULAN BAGO ANG HULI

Ang sansinukob ay mananatili sa ganitong kalagayan ng apatnapu (40). Hindi nabanggit kung ito ay bilang ng mga araw o ng mga buwan o ng mga taon.

Isinalaysay ni Abu Hurairah (Radiyallahu ‘Anhu) na ang Sugo  ﷺ ay nagsabi: “Sa pagitan ng dalawang paghipan ay apatnapu.” Sila ay nagtanong: “Ya Aba Hurairah, apatnapung araw?” Ang sagot niya: “Abayto (Tumanggi ako).” Ang tanong nila: “Apatnapung buwan?” Ang sagot niya: “Abayto.” Ang tanong nila: “Apatnapung taon?” Ang sagot niya: “Abayto.” [Rawah Al-Bukhari]

Pagkatapos ng apatnapu (40) ay mag-uutos si Allah ﷻ sa kalangitan na umulan. Ang sabi ng Sugo  ﷺ: “Pagkatapos ay magpapadala si Allah ng ulan katulad ng tamud (semilya) ng lalaki.” [Muslim]