Ang Qur’an at Mushaf

Ang katagang Arabik na QUR’AN, isang pangngalang berbal, ay katumbas ng kahulugan sa QIRA’AH (pagbasa), na parehas na mula sa salitang-ugat na QARA’A (nagbasa). Sa gayon, ang Qur’an sa literal na kahulugan ay “pagbabasa o pagbibigkas.”

Sa katunayan, ang unang kataga na ipinahayag ay IQRA (magbasa). Ang pangalan ng partikular na banal na Librong ito, QUR’AN, sa katunayan ay dahil sa  binasa ito kay Propeta ﷺ ni Anghel Jibril (Gabriel). Ang QUR’AN ay tumutukoy sa mga salita ng Allah ﷻ na ipinahayag kay Prophet Muhammad ﷺ sa wikang Arabik, na ang maaliw-iw na estilo at konstruksiyon nito ay mahimalang  walang kapantay at ang pagbigkas nito ay isang anyo ng pagsamba.

Ang katagang Arabik na MUSHAF (المصحف) ay tumutukoy sa teksto ng Qur’an. Ang MUSHAF (pl. Masahif)  ay mula sa katagang SAHIFAH (ibig sabihin, nakasulat na pahina ng isang bagay). Ang salitang ito ay wala sa Qur’an, sa halip ang plural nito na SUHUF ang mababasa doon. Sa modernong Arabik, ang SAFHAH (pahina) ay malinaw na parehong kataga na SAHIFAH. Kaya, ang literal na kahulugan ng MUSHAF ay “koleksyon ng mga pahina.” Sa teknikal na kahulugan, ito ay “naipon na nakasulat na mga pahina ng Qur’an.”

Lahat ng Masahif ay may parehong organisasyon ng mga kabanata at mga berso sa loob ng bawat kabanata. Halimbawa, ang bawat Mushaf ay nagsisimula sa Al-Fatihah at nagtatapos sa An-Nas. Gayunman, ang mga ito ay hindi nakalista ayon sa kronolodyikal na ayos ng kanilang rebelasyon. Halimbawa, ang unang mga berso na ipinahayag ay mula sa kabanata 96 sa Mushaf at ang huling buong Surah na ipinahayag ay ang kabanata 110, An-Nasr.

Ang Mushaf ay puwedeng nakasulat alinman sa iba’t ibang mga Arabik iskrip, tulad ng  Kufi o Thuluth. Higit pa rito, ang Arabik iskrip ay umunlad sa paglipas ng panahon. Halimbawa, ang ‘IJAM (markang dyakritiko tulad ng tuldok sa taas o baba ng titik) at ang TASHKIL (marka ng patinig) ay parehong ginamit sa kalaunan. Iisa lamang ang QUR’AN samantalang maraming MUSAHIF ngunit konti lamang ang kanilang pagkakaiba dahil sila ay sinulat at tinipong rekord mula sa iisa at parehong Qur’an.

Sa pinakamadaling salita, ang  QUR’AN ay tumutukoy sa tiyak na rebelasyon na binasa kay Propeta Muhammad ﷺ na nangangahulugan ng “pagbasa ng nilalaman nito”  habang ang MUSHAF ay tumutukoy sa “pisikal na libro” (nakasulat na anyo ng rebelasyon).

ANG MGA PAMAGAT NITO

Ang pamagat ng mga Surah [kabanata] ay hindi mahalagang bahagi ng banal na Qur’an. Ang natatanging salita sa partikular na Surah o ang isang salita na tumutukoy sa paksa nito kadalasan ay naging karaniwang paraan bilang pagkilala sa mga ito.

Ang ilang Surah ay may ibang pangalan. Halimbawa nito ay ang Surah Al-Ikhlas, na paminsan-minsan na tinawag din na At-Tawhid ng mga nangaunang Ulama [iskolar]. Sa maraming pahayag ng Propeta ﷺ at ng kanyang mga Sahaba [kasama], ang kabanatang ito ay pinaka-karaniwang tinawag na QUL HUWALLAHU AHAD, na siyang unang buong berso nito. Gayunman, ang iba’t ibang pamagat ay hindi nangangahulugan ng anumang pagbabago o pagkakasalungat ng nilalaman ng Qur’an dahil karamihan ng mga pamagat nito ay pinili ng mga Sahaba [kasama ng Propeta ﷺ at ng mga nangahuling Ulama para sa pagkilala sa mga ito.

Kahit na ang ilang mga pangalan, tulad ng Surah Al-Fatihah, ay ginamit ng Propeta ﷺ bilang pagsangguni sa isang Surah, ang mga ito ay hindi niya tiyak na itinalaga bilang mga pamagat. Ngunit may ilang Surah na tinawag niya sa kanilang pamagat tulad ng ika-18 na Surah. Ang Propeta ﷺ ay nagsabi: Sinuman ang magsaulo ng unang sampung berso ng Surah Al-Kahf ay poprotektahan laban sa Dajjal [antikristo].” [Sahih Muslim]

Sa ikatlong siglo pagkatapos ng Hijrah, nagsimula ang paglalagay ng mga pamagat ng Surah, pagnunumero ng mga berso [taludtod, talata] at pagdaragdag ng mga simbolo sa mga mardyin bilang dibisyon ng Qur’an.

ANG MUSHAF

114 Bilang ng mga kabanata [s. Surah, pl. Suwar]
6237 Bilang ng mga berso [s. Ayah, pl. Ayat] Noong una ay walang pagnunumero sa mga Ayah, na siyang dahilan na may iba’t ibang opinyon tungkol sa bilang nito]
30 Bilang ng mga parte [s. Juz, pl. Ajza]. Ang bawat Juz ay 20 pahina maliban ang Juz 1 [21 pahina] at Juz 30 [23 pahina]
60 Bilang ng mga Hizb. Ang bawat Juz ay may dalawang Hizb at ang bawat Hizb ay nahahati sa sangkapat [s. Ruba, pl. Arba]. Kaya sa kabuuan ay may 240 Ruba.
604 Bilang ng mga pahina [s. Safhah, pl. Safhat]
Al-Baqarah Pinakamahabang Surah [Surah: 2, Ayah: 286]
Al-Kawthar Pinakamaiksing Surah [Surah: 108, Ayah: 3]
Al-Baqarah 2:282 Pinakamahabang Ayah [Ayat-ud-Dayn أية الدين Ang Tagahiram]
Al-Baqarah 2:255 Pinakadakilang Ayah [Ayat-ul-Kursi أية الكرسي Ang Tuntungan Ng Paa]
Al-Iqra 96:1-5 Unang limang Ayah na ipinahayag sa Laylat-ul-Qadar  (Gabi Ng Parangal) habang ang Propeta ﷺ ay nasa espirituwal na kanlungan sa yungib ng Hira malapit sa Makkah
Al-Fatihah Pinakadakilang Surah at pinaka-unang buong Surah na ipinahayag [Surah: 1, Ayah: 7]
May iba’t ibang opinyon ang mga iskolar tungkol sa huling Ayah na ipinahayag
Al-Baqarah 2:286 Pinaka-awtentikong opinyon. Ayon kay Ibn Abbas, ito ang huling Ayah na ipinahayag na siyang pinakahuli sa serye ng mga talata tungkol sa interes [patubo].
Al-Maidah 5:3 Ayon sa kronolodyikal na ayos, bilang tanda na parating na ang katapusan ng misyon ng Propeta ﷺ sa mundong ito
An-Nasr 110:1-3 Huling buong Surah na ipinahayag sa Mina sa panahon ng Hajj ng Pamamaalam ng Propeta ﷺ sa 10 Hijrah, tatlong buwan bago ang kanyang kamatayan
Advertisements