Mga katibayan

Katibayan mula sa banal na Qur’an

“Hindi ang kahulugan ng kabutihan ay ang pagharap ninyo sa bandang silangan o kanluran (sa pagdarasal), subalit ang tunay na kahulugan nito ay ang paniniwala sa kaisahan ni Allah, at sa Kabilang Buhay, sa mga Anghel, sa mga Kasulatan, at sa mga Propeta….” [Al-Baqarah 2:177]

“Katotohanang Aming nilikha ang lahat ng bagay sa Qadr (maka-Diyos na pagtatakda [pag-uutos] sa lahat ng bagay bago pa ang paglikha sa kanila at ito ay nasusulat sa Aklat ng mga Pag-uutos. At ang Aming Pag-uutos ay isa lamang, na katulad ng (isang) kurap ng mata….” [Al-Qamar 54:49-50]

Katibayan mula sa Sunnah

HADITH JIBRIL حديث جبريل

Sa kapahintulutan ni Umar[1] (Radiyallahu ‘Anhu)[2] na nagsabi: Isang araw habang nakaupo kami kasama ang Propeta (Sallallahu ‘Alayhi Wasallam)[3], may lalaking dumating na puting-puti ang damit at itim na itim ang buhok. Wala ni palatandaan ng paglalakbay sa kanya at walang nakakakilala sa amin kung sino siya. Dumating siya at umupo kasunod ng Propeta ﷺ at inilagay ang kanyang mga palad sa mga hita ng Propeta ﷺ.

Sinabi niya, “O Muhammad, sabihin mo sa akin kung ano ang Islam.” Ang Propeta ﷺ ay nagsabi, “Ang Islam ay ang pagpapatunay na walang ibang diyos na karapat-dapat sambahin kundi si Allah lamang at si Muhammad ay alipin at sugo ni Allah, ang pagdarasal ng limang beses, ang pagbabayad ng Zakah, ang pag-aayuno sa buwan ng Ramadan at ang pagbisita sa bahay ng Allah kung mayroon kang kakayahang gawin.” Ang lalaki ay nagsabi, “Nasabi mo ang katotohanan.” Kami ay nagtataka dahil nagtatanong siya at pagkatapos ay sasabihin niyang nasabi niya ang katotohanan.

At sinabi niya, “Sabihin mo sa akin kung ano ang Iman.” Ang Propeta  ﷺ ay nagsabi, Ito ay ang paniniwala kay Allah, sa Kanyang mga Anghel, sa Kanyang mga Kasulatan, sa Kanyang mga Sugo, sa Kabilang Buhay at sa itinadhana Niyang kapalaran, ang mabuti at ang masama nito.” Ang lalaki ay nagsabi, “Nasabi mo ang katotohanan.”

At sinabi niya, “Sabihin mo sa akin kung ano ang Ihsan.” Ang Propeta ﷺ ay nagsabi, “Ito ay ang pagsamba sa Allah na parang nakikita mo Siya. At kahit (alam mo na) hindi mo Siya nakikita, ay tiyak na nakikita ka Niya.” Ang lalaki ay nagsabi, “Nasabi mo ang katotohanan.”

At sinabi niya, “Sabihin mo sa akin ang (panahon ng) Huling Oras.” Ang Propeta ﷺ ay nagsabi, “Ang nagtatanong ay mas maraming alam kaysa sa tinatanong.”

At sinabi niya, “Sabihin mo sa akin ang kanyang mga palatandaan.” Ang Propeta ﷺ ay nagsabi, “Ang alipin na babai ay ipapanganak niya ang kanyang amo; at makikita mo ang mga walang sapin sa paa at kakaunti lamang ang suot na mga naghihikahos na pastol na nagpapaligsahan sa pagpapatayo ng matatayog na gusali.”

Hanggang umalis na ang lalaki. Ako ay nanatili ng matagal at ang Propeta ﷺ ay nagsabi, “O Umar! Kilala mo ba kung sino yong tagatanong?” Sinabi ko, “Si Allah at ang Kanyang Sugo ang nakakaalam ng pinakamahusay.” Ang Propeta ﷺ ay nagsabi, “Siya si anghel Jibril (‘Alayhis Salam)[4]   na dumating para turuan kayo ng inyong relihiyon.” [Sahih Al-Bukhari at Muslim]

ANG KAHALAGAHAN NA PAG-ARALAN ITO

Ang Hadith na ito ay nangyari bago ang pamamaalam na Hajj (Hajj Al-Wida’). Ito ay awtentikong Hadith na isinalaysay ng mga bantog na mga kasamahan ng Propeta ﷺ. Mga tatlong daan sa kanila ang nandoroon ng mangyari ito. Ito ay pumapangalawa sa mga apatnapung  pinakamahalagang Hadith at isinalaysay ng lahat ng pantas ng Hadith.

Ito ay tinatawag na Umm As-Sunnah (ang diwa ng Sunnah) dahil binubuod nito ang tatlong pinakamahalagang bagay sa ating relihiyon: ang Islam, ang Iman at ang Ihsan. Ipinapahiwatig nito na ang relihiyon ay may tatlong iba’t ibang antas. Ang una ay ang Islam; ang pangalawa ay ang Iman at pangatlo at pinakamataas ay ang Ihsan. Ang Ihsan ang antas ng katiyakan at ang mga nagsasagawa nito ay tinatawag na Muhsinin. Sila ay deretso sa Paraiso.

Bahagi ng ating paniniwala na maniwala sa Ghayb (mga di-nakikita). Ang sagot ng Propeta ﷺ tungkol sa Huling Oras (Araw ng Paghuhukom) na ang nagtatanong ay mas maraming alam kaysa sa tinatanong ay nangangahulugan na ang kaalaman ng Huling Oras ay kay Allah (Subhanahu Wa Ta’ala)[5] lamang. Walang tao, Jinn o anghel kahit si Israfil na naghihintay lamang ng utos sa Panginoon na hipan ang tambuli. Ibinigay Niya sa atin ang ilan sa mga palatandaan nito upang magsilbing paalala sa atin. Ang dalawang palatandaan ay magka-ugnay sa isa’t isa.

Ang una ay ang kaugnayan ng alipin na babai sa kanyang amo. Ang ibig sabihin nito ay ang mga anak ay hindi magiging masunurin at walang-galang sa mga magulang; ang lahat ng bagay ay mababaligtad; ang mga bastardong anak ay ipagbibili; ang mga amo ay magiging asawa ang kanilang mga alipin at ang anak ay magiging amo.

Ang pangalawang palatandaan  ay bagay na makikita ng mga tao. ang ibig sabihin nito ay ang lahat ng bagay ay mababaligtad. Ang mga mangmang ang magiging pinakamasaya sa mga tao. Ang mga hindi karapat-dapat ay magiging pinuno ng mga tao. Ang mga nararapat at mga may kaalaman ay uusigin o ikukulong. Ang mga pinakamasama ang magpapalakad sa pamahalaan. Ang kayamanan ay hindi kinita sa tamang paraan.

Ang lalaki ay biglaang lumitaw at biglaan ding nawala sa nakakapagtakang paraan. Ang Propeta  ﷺ ay hindi kilala ang lalaking ito hanggang sa ipahayag ni Allah (Subhanahu Wa Ta’ala) sa kanya na siya si anghel Jibril (‘Alayhis Salam) na dumating upang turuan tayo sa ating relihiyon sa pamamagitan ng kanyang mga katanungan.

Dumating siya sa katauhan ng isang Arabong Bedwin at nagsalita sa likod ng Masjid. Siya ay nagtanong, “Kapayapaan sa iyo, O Muhammad, puwede ba akong pumasok?” Ang Propeta ﷺ, na nakaupo sa harapan, ay nagsabi sa kanya na magpatuloy siya. Palagi niya itong tinatanong hanggang sa siya ay makarating sa harapan niya mismo at inilagay ang kanyang mga palad sa mga hita ng Propeta ﷺ at nagsimula na siyang magtanong. Dumating siya sa ganitong magaspang na kilos para makuha niya ang pansin ng mga tao. Ang mga tao ay nagkatinginan sa isa’t isa at walang nakakaalam kung sino siya.

Papaanong tinawag ni anghel Jibril (‘Alayhis Salam) ang Propeta ﷺ ng ‘Muhammad’ na hindi nararapat at sinasalungat ang sumusunod na talata? “Huwag ninyong gawin ang pagtawag sa Sugo na tulad ng pagtawag ninyo sa isa’t isa.” [An-Nur 24:63]

May tatlong maaaring sagot:

  • Ang pagbabawal ng ganitong pagtawag ay para lamang sa mga tao.
  • Ang pangyayaring ito ay nauna bago dumating ang pagbabawal.
  • Ito ay nangyari para ipakita ang pagiging Arabong Bedwin niya para makatawag ng ganap na pansin ng mga tao.

Si Umar (Radiyallahu ‘Anhu) ay gumamit ng paghahambing sa pamamagitan ng paglalarawan sa lalaki upang ipaalam na sa katotohanan ang lalaking ito ay isang anghel, isang dayuhan, hindi taga-Madinah, walang palatandaan ng paglalakbay at may dalisay na puting kasuutan na walang anumang bahid ng dumi. Ito ay nagtuturo sa atin upang magkaroon tayo ng malinis na kasuutan at maayos sa pangkalahatang kaanyuan lalung-lalo na sa mga taong may karunungan sa relihiyon para magsilbing uliran para sa iba. Binibigyang-diin ng Islam ang kapuwa panloob at panlabas na katangian ng isang tao.

Nalaman din natin na ang mga anghel ay maaaring kumuha ng kahit anumang hugis at anyo. Sila ay nagpakita sa mga sugo at kahit din sa mga karaniwang tao.

Si anghel Jibril (‘Alayhis Salam) ay tuwirang nagtanong kay Muhammad ﷺ sa halip na sa mga kasamahan. Dito ay ipinahihiwatig na ang kaalaman ay dapat manggaling sa guro. [Sa halip na tuwirang magtanong ang lalaki sa mga Sahabah ay nagtanong siya sa Propeta ﷺ at bilang guro siya ang nagparating sa mga Sahabah].

Nalaman din natin ang pag-uugali ng guro sa kanyang pagtitiyaga sa pagsagot at ang kanyang pagsagot sa maliliit na detalye.

Nalaman din natin ang pag-uugali ng mag-aaral ng karunungan (Talib Al-‘Ilm) na siya ay dapat maupo malapit sa guro at nakaharap sa kanya [nakatuon ang pansin] at siya ay dapat na magtanong [kung may pag-aalinlangan].


[1]  Si Umar Ibn Al-Khattab ay ang pangalawang Khalifah (kinatawan) ngunit siya ang unang tinawag na Amir Al-Mu’minin (pinuno ng mga mananampalataya). Ang kanyang Kunyah (palayaw) ay Abu Hafs at ang kanyang Laqab (titulo/bansag) ay Al-Faruq (literal: ang nagpahiwalay sa tama at mali) dahil ang satanas ay palaging umiiwas sa kanya palayo. Siya ay isa sa mga ‘Asharal Mubashirin Bil Jannah (ang sampung tuluy-tuloy sa Paraiso).

[2] Kalugdan siya ni Allah رضي الله عنه

[3] Sumakanya ang pagpapala at kapayapaan ni Allah صلى الله عليه وسلم

[4] Ang kapayapaan ay mapasakanya عليه السلام

[5] Kaluwalhatian sa Kanya, Ang Kataas-taasan سبحانه وتعالى / عز وجل