Kamatayan, ikalawang kapanganakan

Ano ang tiyak na kamatayan? Ano ang katotohanan tungkol dito?

Ang buhay ng tao ay nahahati sa dalawang baitang: ang unang baitang ay ang similya (embriyon) sa sinapupunan ng ina; pagkatapos ay ang buhay sa mundong ito, na susundan ng baitang sa Barzakh (ang pansamantalang punto sa pagitan ng kamatayan at pagkabuhay). Sa kalaunan, may walang hanggang baitang sa Kabilang Buhay. Ang bawat sunud-sunod na baitang ay may parehong antas ng pagkakaugnayan sa susunod dito.

Ang kalawakan ng mundong ito kung ihahambing sa makitid na espasyo sa sinapupunan ng ina ay kahalintulad ng lawak ng Barzakh kung ihahambing sa buhay sa mundong ito; katulad din sa lawak ng buhay sa Kabilang Buhay kung ihahambing sa Barzakh. Kapag ang bata ay nasa anyo ng si-milya, iniisip niya na ang kanyang buong mundo ay ang sinapupunan ng kanyang ina. Kapag ang similya ay matatanong tungkol sa kahulugan ng paglabas niya mula sa sinapupunan, maaaring sabihin niya na ito ay nangangahulugan ng kamatayan. Kapag ang similya ay naglalaman ng kambal at ang isa ay naunang ipanganak kaysa sa isa, ang isa na huling naipanganak ay maaaring sabihin niya na ang kanyang kakambal ay namatay na at nailibing sa di-kilalang mundon. Siya ay iiyak kapag nakita niya na ang inunan (plasenta) ng kanyang kakambal ay inalis at basta na lamang itinapon na katulad ng paghihinagpis ng ina sa bangkay ng kanyang anak. Ang ina na inalagaan ng husto ang kanyang anak at nakikita niyang ito ay ibinaon sa kanyang libingan ay malulungkot. Ang hindi niya maintindihan ay katulad ito sa plasenta: ito ay parang maruming kamiseta na kailangan ng itapon. Ito ay isang kagamitan na ang buhay ay natapos na at hindi na kailangan.

Ito ang ibig sabihin ng kamatayan. Sa katotohanan, ito ay ‘bagong kapanganakan.’ Ito ay ang paglabas papunta sa ibang kalawakan (dimensiyon) na mas mahaba at mas maluwang pagdating sa panahon at pook. Ang mundo na ating tinitirhan ngayon ay pook ng pagbabagong-kalagayan lamang. Ang buhay natin dito ay tulad sa buhay ng isang dayuhan papuntang Amerika sa pamamagitan ng barko. Siya ay magbabayad para sa isang maginhawang kabin (kamarote) at magbabaon ng sapat upang makatiyak na siya ay may malugod na paglalakbay. Ngunit sa palagay mo ba ay gagastahin niya ang lahat ng kanyang salapi upang kumpunihin lamang ang mga kaginhawaan sa kanyang kabin at darating sa Amerika na pulubi bilang kahihinatnan? O kaya naman ay sasabihin niya sa kanyang sarili: “Ako ay mananatili lamang sa kabin na ito ng  isang linggo, kaya magpakasaya ako kung anuman ang naibigay sa akin at ilaan ang aking salapi para sa aking tahanan sa Amerika dahil doon ako tuluyang maninirahan.”

Heto pa ang isang halimbawa upang ihambing ang mundong ito sa susunod. Ilang taon na ang nakalipas, ang Amerika ay nag-ulat na magsasagawa ng maliit na pagsubok atomiko sa isang maliit na pulo sa dagat Pasipiko. Ito ay tinitirhan ng ilang daang mangingisda na nasabihan na lisanin ang pulo at inalok ng tirahan sa bansang kanilang pipiliin, ng may parehas na kasunduan at kondisyon tulad noon. Ang huling petsa ay naitakda, na binibigyan sila ng panahon na ibigay ang kanilang mga kabatiran at maghanda para sa kanilang paglisan.

Ang mga nakatira ay tumugon sa iba’t ibang paraan. Ang ilan sa kanila ay isinagawa tulad ng pagkakapayo sa kanila, ang iba ay nagkibit balikat lamang at pinabayaan ang bagay na iyon hanggang dumating ang takdang oras, samantalang ang iba ay nagsabi na ang buong usapin ay ibinatay sa kasinungalingan, na walang ganitong lugar tulad ng Amerika at sila sa gayon ay hindi kusang lisanin ang pulo. Hindi nila naisip na ang buong pulo ay pasasabugin at magkapira-piraso at matitira lamang ang mga guho.

Ang halimbawang ito ay naglalarawan ng iba’t ibang kaasalan ng tao sa pamumuhay sa lupa. Ang mananampalataya ay may kamalayan kung ano ang darating sa Kabilang Buhay at sa gayon ay naghahanda para dito sa pamamagitan ng pagsisisi at pagsunod, at maihahambing natin siya sa unang pangkat ng mga mangingisda na nagsimulang magbalot at naghanda sa paglisan at manirahan sa ibang lugar. Ngunit ang mananampalatayang sumusuway sa Diyos at ipinagwawalang bahala ang kanyang mga tungkulin ay tulad sa pangalawang pangkat ng mga mangingisda, na hindi inalintana ang katotohanan na ang panganib ay malapit na. At para sa di-mananampalataya, siya ay tulad sa pangatlong pangkat ng mga mangingisda: itinatanggi niya at pinagdududahan ang katotohanan ng relihiyon. Siya ay nahikayat na walang buhay pagkatapos ng pananatili sa mundong ito, at ang kamatayan ay isang mahimbing na pagtulog, pirmihang pahinga at siya ay naglaho na.

Ito ay hindi nangangahulugan na ang Islam ay nagtatawag sa bawat Muslim na ipagwalang bahala ng ganap ang mundong ito at palayain ang kanyang sarili sa lahat ng mga pananagutan. Ang Islam ay hindi nagsasabi na tanging ang mga Masjid ang nagbibigay ng kapakinabangan para sa mga Muslim; ni ito ay hindi nagsasabi na sila ay dapat manirahan sa mga kuweba at mamuhay tulad ng mga ermitanyo. Sa kabaligtaran, ang Islam ay nagtatawag sa mga Muslim na magbigay ng pinakamagandang halimbawa ng mga taong mapitagan at upang magsumikap na kabilang sa mga mayayaman pagdating sa materyal na kayamanan at kunin ang pamumuno sa mga siyentipiko. Ito ay nag-uudyok sa bawat Muslim na mamuhay ng may katamtaman at may kalusugan, na pinangangalagaan ang kanyang katawan sa pamamagitan ng wastong pagkain at manatiling malusog. Ang Islam ay nagbibigay sa mga Muslim na huwag magmamalabis sa pagtratrabaho at maglibang at magpahingalay, hangga’t ang kaginhawaang ito ay hindi sisira sa itinakda ng Islam. Ito ay nag-uudyok sa mga Muslim na pangalagaan ang kanyang mag-anak at isagawa ang kanyang mga itinakdang tungkulin sa lipunan na kanyang ginagalawan. Siya ay dapat na may kamalayan sa mga tungkuling ito tulad ng kanyang kamalayan sa mga prinsipyo ng pananampalataya sa Kaisahan ng Diyos at ang pangangailangang sundin Siya.

Sa ibang salita, ang Muslim ay maaaring mag-ipon ng kayamanan, hangga’t ito ay inipon sa paraang ayon sa batas. Katulad nito, maaari niyang tamasahin ang lahat ng mga ipinapahintulot na magagandang bagay sa buhay. At siya ay dapat na maging pinakamahusay sa mundong ito, hangga’t siya ay mananatiling makatotohanan sa kanyang pananampalataya at hindi papayag sa anumang uri ng paniniwala sa maraming diyos, maliwanag o naiintindihan, na makasingit sa kanyang pananampalataya. Siya ay dapat umiwas sa anumang itinuturing na ipinagbabawal at isagawa ang lahat ng kanyang mga tungkulin. Ang kayamanan ay isang bagay na dapat na pangalagaang ariin sa kamay ng isang Muslim at hindi ng kanyang puso, dahil ang kanyang pagkakasandal ay dapat lamang kay Allah at hindi sa makamundong mga pag-aari. At ang kanyang isa at tanging layunin sa buhay ay ang patuloy na naghahanap na isagawa anuman ang katanggap-tanggap sa Diyos.

Advertisements