Sa pagitan ng isipan at sarili

“Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pag-iisip at ng kaluluwa?,” maaari mong maitanong. Hindi ko inaangkin na magbigay dito ng malinaw na kahulugan upang liwanagin at kilalanin ang isa mula sa iba – at kahit ang agham ay nabigo na maghagis ng liwanag sa mga ito! Gayunpaman, aking susubukan na ipaliwanag.

Lahat tayo ay nagsasabi, “Sinabi ko sa aking sarili” o “Ang aking isipan (o ng aking pang-unawa) ay sinabi sa akin.” Ngunit ano ‘ikaw’ at ano ang iyong ‘sarili’? At ano ang iyong ‘isipan’? Kahit na ang mga bagay na ito hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw sa atin, at ako ay hindi tutuklas ng bagay na hindi kilala, susubukan kong makapagbigay ng matibay na halimbawa.

Ang katawan ng tao ay patuloy na nagbabago, at ang mga selula (cells) na tumira dito ilang taon na ang nakaraan ay hindi na nananatili. Ang ‘sarili’ ay ganoon din: ang kanyang mga pag-asa, mga hangarin, mga pasakit, mga pagdurusa ay patuloy na nagbabago. Sa puntong ito ay maaari mong maitanong anong bahagi ng ‘Ako’ ang hindi nagbabago? Ito ay ang kaluluwa. Ang iyong susunod na katanungan ay maaaring “Ano ang kaluluwa?”

Ang Diyos ay nagpahayag ng karunungan sa atin tungkol sa maraming kababalaghan ng katawan ng tao: ang mga katungkulan ng ating mga braso at mga lunas para sa maraming karamdaman. Ipinaalam din Niya sa atin ang tungkol sa mga sakit ng sarili ng tao. Sinabi Niya sa atin na ilan sa mga sarili ay mas mahilig sa paggawa ng kasamaan, habang ang iba ay mapanghusga sa mismong sarili; sa kabaligtaran, ang ibang mga sarili ay ganap na nasisiyahan at mapayapa. Sinabi rin Niya sa atin na ang bawat sarili ay makakatikim ng kamatayan. Ngunit ang Makapangyarihan ay hindi ipinaalam sa atin ang tungkol sa kaluluwa ng tao, dahil ang kaalamang ito ay pag-aari lamang ng Diyos.

Ang kaluluwa ay hindi nababago ng hangganan ng panahon at pook. Bilang halimbawa, ang tao ay maaaring mapaidlip sa harap mo ng labinlimang minuto. At sa sandaling iyan ay maaaring nakapaglakbay sa Amerika o India, nanirahan doon ng dalawampu o tatlumpung taon at naranasan ang kamangha-manghang kaligayahan at kalungkutan. Ngunit paanong ang haba ng dalawampung taon o higit pa ay mang-yayari sa loob lamang ng labinlimang minuto? Ang halimbawang ito ay ipinapakita kung papaano tayo dadaan sa kagulat-gulat na pagdurusa o magtamasa ng mga biyayang lampas sa libingan. Ang kaluluwa ay hindi nababago ng anuman – kahit na ang sakit o kamatayan. Ito ay nananatili na bago pa man ito napasok sa katawang ito at sariling ito, at ito ay mananatili kahit na matapos nating lisanin ang ating mga katawan at pagkatapos na ang sarili ay naglaho na.

Heto pa ang isang halimbawa ng salungatan sa pagitan ng isipan at ng sarili. Ikaw ay maaaring mainit at maginhawa sa higaan, mahimbing na natutulog sa malamig na gabi nang tumunog ang alarma upang gisingin ka para sa dasal sa mada-ling araw. Sa sandaling iyon, ang tinig panloob sa iyo ay nagsasabi na bumangon ka at magdasal. Babangon ka pa lang nang may marinig kang isa pang tinig na nagsasabing “Bakit hindi ka matulog ng ilang sandali pa?” “Ngunit ang pagdarasal ay mas matimbang kaysa sa pagtulog,” ang unang tinig ay mamamagitan. “Mas magandang magpatuloy ka sa pagtulog,” ang tugon ng pangalawang tinig, “at marami pang panahon. Puwede kang mahuli ng ilang sandali.” At kaya ang sagupaan sa pagitan ng dalawang tinig ay magpapatuloy: “Matulog ka!” “Bumangon ka!” “Matulog ka!” “Bumangon ka!” Ang una ay ang isipan at ang huli ay ang sarili.

Ang uri ng kalagayang ito ay nagpapakita sa maraming hugis at anyo. Ito ang uri ng pag-aalinlangan na dumarating sa isang tao na gustong makatawid sa maluwang na kanal. Gusto niyang tumalon, ngunit natatakot siyang mahulog. Siya ay makakarinig ng dalawang magkaibang tinig sa kanyang sariling panloob: “Tumalon ka!” “Huwag kang tumalon – bumalik ka!” Kung siya ay tutugon sa tinig na nagsasabi sa kanyang tumalon, siya ay makakarating sa kabilang tabi. Ngunit kung siya ay nag-aatubili at hihintayin ang tinig na nagsasabi sa kanya na bumalik, at pagkatapos ay nagpasyang tumalon, siya ay baka mahulog sa kanal.

Sa bawat kalagayan tulad ng mga nasa itaas, matatagpuan natin ang ating mga sarili na magpasya. Sa mga sandaling tulad nito, ang magandang dahilan ay mangingibabaw kung tayo ay may pananampalataya. Sa pagkakaroon lamang ng Iman (pananampalataya) na ating makakamtan ang panalo ng isipan laban sa katawan. Ang tibay ng Iman ay tumutugma sa panalo ng kapangyarihan ng iyong isipan.

Gayunpaman, ito ay hindi nangangahulugan na ang isipan ay palaging nananalo sa pagnanasa ng katawan, na ang Muslim kailanman ay hindi nagkakamali. Ang Islam ay mahabaging relihiyon; ito ay praktikal na pananampalataya, ibinatay sa mga katotohanan na buhay. Ang Diyos ay hindi naglikha ng mga tao upang maging mga anghel, mga satanas, mga pinaamong hayop o mga mababangis na hayop. Ang mga anghel ay nilikha upang sumunod at sumamba; ang mga satanas, para sa pagsuway at pagwawalang-pitagan; at ang mga maaamo at mababangis na mga hayop ay hindi nabiyayaan ng kapangyarihang mangatwiran, ngunit ng likas na simbuyo. Ito ay nangangahulugan na sila ay walang katungkulang sumunod sa banal na kautusan at hindi sila mananagot sa kanilang mga gawain. Tayo ay hindi kabilang sa anuman sa mga kauriang ito.

Advertisements