Tao, ano ka?

Kaya ano tayo? Ano ang tiyak na tao? Ang bawat tao ay bukod-tanging nilikha na nagtataglay ng ilang mala-anghel, mala-satanas at kahit na mala-hayop na mga katangian. Ang kanyang mala-anghel na mga katangian ay nangingibabaw kapag siya ay taimtim na sumasamba sa Diyos at magsasagawa ng malapit na pakikipag-ugnayan sa Kanya. Ang ganitong tao ay tulad ng mga anghel:

“Na hindi sumusuway sa Diyos sa kahit anumang Kanyang ipinag-utos sa kanila, ngunit (palaging) isinasagawa anuman ang ipinag-utos na gawin.” [At-Tahrim 66:6]

Ngunit kung ang tao ay tatalikod o nagpapakita ng paghamak sa kanyang Tagalikha, o kaya ay sumasamba ng mas marami kaysa sa isang Diyos, siya ay mahuhulog na biktima sa salu-ngat at mapanganib na kapangyarihan. Kapag ang ganyang tao ay nagalit siya ay aaktong katulad ng mabangis na tao, ang kanyang tanging layunin ay ang magapi ang kanyang kaaway sa kahit anumang paraan, kahit na ito ay nangangahulugan na bugbugin siya. Sa mga ganitong katayuan, ang tao ay kikilos katulad ng mabangis na hayop. Parehas kapag ang tao ay hindi makayanang pigilin ang kanyang pagnanasang seksuwal, ang kanyang mala-hayop na katangian ay ganap na mangingibabaw.

Itong dalawang kaugalian ay bumubuo sa saligan ng kalikasan ng tao, isa na kumikiling patungo sa kabutihan at isa na kumikiling patungo sa kasamaan. Ang Diyos, gayunpaman, ay biniyayaan ang tao ng kakayahan ng pangangatwiran at ng kalooban na pumili kung anong paraan ang pinakamahusay. Kung makayanan niyang gamitin ang kanyang kalooban at isagawa ang mabuting pandama, siya ay magiging kabilang sa mga magtatamasa ng walang hanggang kaligayahan sa susunod na buhay. Kung hindi, siya ay mananagot sa mga kahihinatnan at magdurusa.

Ang sarili sa kanyang kalikasan ay kumikiling patungo sa kalayaan. Gayunpaman, ang relihiyon ay pumipigil sa ‘kalayaang’ ito upang sa gayon ay madisiplina ang sarili. Kapag walang ganitong paghihigpit, maaaring mawala sa atin ang lahat ng mabubuting pamantayan at ang sarili ay maaa-ring mawalan ng pagpipigil at gagawa ng ganap na di-mapanindigang paraan. Sa ganitong hindi mapigil na kalayaan, ang lipunan ay maaaring maghuramentado, na ang mga tao ay kikilos na parang mga baliw. Halimbawa, ang baliw ay gagawin anuman ang pumasok sa kanyang isipan: siya ay maaaring maghubad ng kanyang damit at maglagalag sa mga kalsada na hubo’t hubad. Siya ay maaari ding umupo sa mga balikat ng tagamaneho ng bus! O kaya naman ay makursunadahan ang iyong damit at hubaran ka. Maaaring matagpuan niyang kaakit-akit ang anak mong dalaga at gusto niyang makipagtalik sa kanya batay sa simbuyo ng damdamin, at hindi sa ipinag-utos ng Islam.

Ang taong baliw ang tanging nagtatamasa ng ganap na kalayaan. Ang taong matino ay pinamamahalaan ng kanyang pandama na manapa’y tulad sa ‘tali o sintas na pumipigil sa kanya’. Ito ay bunga ng katagang Arabik na ‘Aql’ (isipan) na tumutukoy sa lubid kung saan ang kamelyo ay nakatali. Ang katagang ‘Hikmah’ na nangangahulugan ng karunungan, ay parehas, ito rin ay hinango sa kahulugan ng tali. Ang katagang ‘kabihasnan’ ay bunga rin ng kahulugan ng ganyang bigkis o tali, na naglalagay ng hangganan sa iyong pag-uugali sa araw-araw na buhay. Ito ay nagtakda ng paggalang para sa mga karapatan ng iba at para sa tinanggap na mga kapulu-ngan, mga kaugalian, at iba pa ng lipunan. Ang ‘katarungan’ ay isa pang kaisipan na may parehong kaugnayan, dahil ito ay nagtakda ng hangganan sa iyong kalayaan na may patungkol sa kalayaan ng iyong kapitbahay.

Ang sarili ay patuloy na natutukso dahil kung ano ang nakakaakit ay palaging nakakahalina. Tulad halimbawa, maaaring ikaw ay nasisiyahan sa pakikinig at pakikibahagi sa tsismis, ang pakikinig tungkol kung anong nagawa o di-nagawa ng mga tao, at maaaring nasisiyahan ka dito, dahil nararamdaman mo na ikaw ay mas magaling kaysa sa tao na ang kahinaan ay nalaman ng madla. Sa ganito ring paraan, ang pagnanakaw ay maaaring ipalagay na katuwaan, dahil sa ito ay madali at walang hirap na paraan ng pagkakaroon ng salapi. Ang sarili ay maaaring matagpuan na ang gawaing pakikiapid ay paraang nakakalugod na mabigyan ng kasiyahan ang kanyang mga pagnanasa. Ang pangongopya sa pagsusulit ay nakakatulong sa mag-aaral na makapasa dito, ng walang pagsusumikap. Ang sarili ay maaaring iwasan ang kanyang mga tungkulin, sa gayon ay magiging tamad at antukin.

Ngunit kung ikaw ay talagang hihinto at mag-iisip, matatagpuan mo na ang panandaliang kalayaan ay hindi sapat para sa suliranin, dahil ang kapalit ay papasanin mo ang kahihinatnan ng iyong mga pagkakamali ng mahabang panahon.

Papaano ang pakiramdam ng tao, kapag siya ay tinanong na pumirma ng kasunduang ayon sa batas na nagkakaloob sa kanya anuman ang kanyang magustuhan upang bigyang kasiyahan ang kanyang pinakamimithing mga pangarap, ng isang taon: siya ay maaaring tumira sa alinmang bansa na piliin niya, at magkaroon ng maraming pakikipagkatipan na gustuhin niya. Isipin na ang kasunduang iyan ay walang nabanggit na anumang pagbabawal – ngunit nakatakda rin na pagkatapos ng isang taon siya ay bibitayin. Hindi ba niya sasabihin “Walang kasiyahan ng isang taon na katumbas ng pagbitay para dito!”  Hindi ba niya natanto na sa sandaling ang silo (lubid) ay mahigpitan sa kanyang leeg ay hindi na niya madadala alinman sa mga pinagmulan ng kasiyahan na makasama niya? Hindi ba niya maunawaan na kahit ang sakit ng pagbitay ay maaring maramdaman ng ilang minuto lamang, ang pagdurusa sa Kabilang Buhay magpakailanman ay walang darating na katapusan.

Walang sinuman sa mundo na hindi nagkasala sa ilang punto ng kanilang buhay, at nagpakasaya sa pagsasagawa ng kasalanang iyon. Ang pinakamagaan sa lahat ng mga kasalanan ay maaaring ang pagbabantulot na bumangon at isagawa ang dasal sa madaling araw. Kung tayo ay titigil at pag-iisipan tungkol sa mga kasiyahang ating tinamasa pagkalipas ng sampung taon at pagkatapos ay tanungin kung may natira alinman sa mga kasiyahang iyon ngayon, ano ang kasagutan? … Wala! Ang pagsasagawa ng anumang tungkulin ay palaging mahirap at nagiging dahilan ng ilang pagkabalisa. Tulad halimbawa, ang tungkuling pag-aayuno tuwing buwan ng Ramadan ay nangangahulugan na tayong mga Muslim ay mahihirapan sa pagkagutom at pagkauhaw. Datapuwa’t ano ang kahihinatnan na ating nararamdaman sa ngayon mula sa mga paghihirap na iyon? Ano ang natitira sa pagkagutom na ating pinagdaanan tuwing buwan ng Ramadan pagkalipas ng sampung taon?

Ang mga kasiyahan ng kasalanan ay maaaring maglaho, ngunit ang parusa ay nananatili pa rin. Samantalang ang mga pasakit at mga paghihirap na pinagdaanan para sa pagsasagawa ng mga tungkulin ay naglaho na, ngunit ang gantimpala ay nananatili kasama natin.

Ano ang mga kahihinatnan na naghihintay sa atin sa oras ng kamatayan mula sa mga kasiyahan na ating tinamasa at sa mga paghihirap na ating pinagdaanan?

Sa kaibuturan ng ating mga puso, kagustuhan natin palagi na magsisi at bumalik sa landas ng Diyos, ngunit ito ay ating ipinagpaliban at naglibang ng larong paghihintay. Halimbawa ay nakaugalian ko ng sabihin sa sarili ko na ako ay magsisisi at susundin ang landas ng Diyos pagkatapos ng pagsasagawa ng Hajj. Ako ay palagiang nagsasagawa ng Hajj, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nagsisi! Ang aking ika-apatnapung taon at ang aking ika-animnapung taon ay lumipas at hanggang ngayon hindi pa rin ako nagsisi. Ito ay hindi nangangahulugan na ako ay tumatahak sa buhay na puno ng kasalanan sa lahat ng mga nagdaang taon. Hindi, salamat sa Diyos. Ngunit ang halimbawang iyan ay ipinapakita lamang na ang tao ay gustong tahakin ang mabuting pamumuhay, ngunit siya ay palaging naghahanap ng mga dahilan na ipagpaliban ito. Inisip niya na mayroon pa siyang maraming panahon na darating at kaya pa niya sa gayon ang magwalang bahala – hanggang sa, biglang salakayin siya ng kamatayan. Dalawang beses kong naranasan ang halos mamatay na, at ito ang naging dahilan na ako ay nagsisisi sa bawat sandali na aking sinayang sa pagsuway sa Diyos, at ang pagsisising ito ay nagpatuloy ng ilang buwan at sa panahong ito ako ay naging mabuting tao. Sa kalaunan, ako ay napapalibutan na naman ng magulo at masalimuot na buhay – at nakalimutan ang tungkol sa kamatayan.

Tayong lahat ay nalilimutan ang kamatayan. Kahit na napagmamasdan ang libing na dumaraan ay hindi sapat na makapagpaalala sa atin na tayo balang araw ay mamamatay. Kahit na sa sandali ng pagdarasal sa yumao, ang ating mga isipan ay naglalakbay sa makamundong mga bagay. Iniisip natin na ang bawat isa ay mamamatay maliban sa atin, at kahit na, sa kaibuturan, alam natin na tayo balang araw ay lilisan sa mundong ito.

Ang tao ay maaaring mamuhay ng hanggang animnapu, pitumpu o kahit sandaan, ngunit siya ay nakatakdang mamamatay balang araw. Dapat mong malaman ang mga taong namuhay sa matandang gulang, ngunit silang lahat ay namatay na. Marahil alam mo na si Nuh (Noah) ay namuhay hanggang sa siya ay maging siyamnaraan at limampu, na na-ngangaral sa kanyang mga tauhan. Nasaan na si Nuh ngayon? Siya ba ay namuhay sa mundo sa lahat ng panahong ito? Siya ba ay walang kamatayan? Bakit kung sa gayon, na hindi natin pag-isipan ang tungkol sa kamatayan at maghanda para dito, yamang ito ay hindi maiiwasan.

Ang tao na maglalakbay ay magsisimulang maghanda mula sa sandaling ang panahon ay napagpasyahan na hanggang sa kanyang paglisan. Minsan ako ay napasama sa pangkat ng ilang mga gurong Jordanian na lumagda sa mga kasunduan bilang manggagawa sa Saudi Arabia. Sila ay nasabihan na ang kanilang mga paglipad ay nakatakdang paalis ng paisa-isa. Sa mga nakahanda ang mga sarili sa oras ay nakaalis ayon sa itinakda pagkatapos na pagkatapos na maisagawa nila ang mga kinakailangan ng kanilang mga pasaporte at magpaalaman sa kanilang mga mag-anak. Ngunit sa mga nangangailangan pa ng ilang panahon upang maghanda para sa paglalakbay ay hindi binigyan ng pagkakataon at hindi na lumisan. Kaya ano ang ating masasabi tungkol sa tawag ng paglisan na iniulat ng Anghel ng Kamatayan! Ito ang tawag na di-maipagpapaliban ni maipagwawalang bahala. Ang Anghel ng Kamatayan ay sasalakayin ang tao kahit na hindi niya kagustuhan at hindi siya magpapahintulot ng anumang palugit.

Advertisements